Sa Russia, pinalaya ni Czar Alexander II ang mga 'serfs' noong 1861.
Sa Estados Unidos ,nagkaroon ng madugong Digmaang Sibil (1861-1865) sa pagitan dalawang magkakatungaling ekonomya ng bansa: ang industrialisadong Hilagaan (industrial North) at agrikulturang Timog( agricultural/agrarian South) na nakasalig sa pag-aalipin(slavery).
Nagwakas ang digmaang ito sa pagtatagumpay ng Hilaga at ng pagbuwag ni Pangulong Abraham Lincoln ng pag-aalipin hindi lamang sa Timog kundi sa buong lupain ng Estados Unidos.
Naging idolo siya ni Bonifacio ng kanyang nabasa ang talambuhay ng mga pangulo ng Estados Unidos.(Beard & Beard,1960:255-273) .Tinularan niya ang pangsariling pag-aaral na ginawa ni Lincoln sa pamamagitan ng malawakang pagbabasa at iro ang nagbunsod sa kanyang mapalaya ang Pilipinas sa pagkaalipin nito sa Espanya.
Sa Espanya, nilabanan ng mga Kastila ang puwersang mapanakop ni Emperador Napoleon Bonaparte ng Pransiya (1808-1814). Ang "Junta Central " ng pamahalaang rebolusyonaryo
upang makuha ang simpatiya ng buong mamamayan at ng kanyang kolonya ay naglabas ng Dekreto ng Enero 22,1808 , na naglalayong itaas ang mga kolonya sa kalagayan at dignidad bilang mga probinsiya ng Espanya. Nang Mayo 1809, muling itinatag ng "Junta" ang Cortes, ang sangay lehislatibo ng pamahalaan . Nagkaroon ng kinatawan ang Pilipinas sa "Cortes" nang taong 1810-1813 sa katauhan ni Ventura de los Reyes. Isa siya sa mga lumagda ng liberal na Konstitusyon ng 1812.Nang bumalik ang hari na si Ferdinand VII noong 1814 ay kanyang pinawalang bisa ang Konstitusyon ng 1812 . Nang nakarating ang balitang ito sa Pilipinas, nagkaroon ng malaking pag-aalsa sa Ilocos at Cagayan noon 1815, dahil sa kanilang paniniwala na iniaalis sa Pilipino ang pagkakaroon ng kanilang pagkakapantay sa mga Kastila at ang pagkabuwag ng tributo(buwis) at polo y servicios (sapilitang paggawa). (Zafra,1967:117-123)
Ang Pilipinas nang ika 19 na siglo ay nakamalas ng malaking pagbabagong pang-ekonomya , pangpolitika , pangkultura at panglipunan.
BABALA NG MGA BAGAY NA DARATING
Hunyo 3, 1863, nang may 7:30 ng gabi , ang Maynila ay nakaranas ng malakas na lindol . Ito ay tinatayang may lakas na 6.3 at ang sentro nito ay nasa East Zambales Fault sa may Manila Bay. Ang Palacio del Gobernador, ang Katedral ng Maynila , mga simbahan , himpilan ng mga sundalo, ospital, gusali at tahanang bato ay mga nangasira. Maraming nawalan ng tahanan sa Tanay,Pililla, Taguig , Cainta at San Mateo . May mga nasawi sa mga bayan ng San Isidro at Giguinto , Bulacan. Sa Pampanga , marami ang natabunan dahil sa malaking pagguho ng mga bundok sa Angat at marami ang masugatan sa bayan ng Lubao. Nawasak ang maraming bahay at simbahan sa Cabuyao at San Pedro ,Laguna , gayon din sa Tunasan, Muntinlupa. Ang mga bayang kalapit ng dagat sa Cavite ay sinalanta ng malaki at mataas na alon (tsunami). Tinatayang 1,172 istruktura ang bumagsak , mahigit kumulang 400 ang namatay at 2,000 ang nasugatan.
Sa Maynila, 300 ang namatay .Ang mga distrito ng Binondo, Santa Cruz, Tondo ,San Miguel, Quiapo, Tambobo at Navotas ay malawak ang pagkawasak. Sa Manila Bay , nagkalat ang mga bapor at pira-pirasong bahagi ng mga sasakyang pangkalakal. Ang tubig nito ay tila delubyong umabot sa Cavite . Ang "after shocks"ng lindol ay naramdaman hanggang sa bayan ng Hinulawan, Cebu. ( Mangubat, 2010 )
Ito kaya ang nagbabadya ng pagdating ng isang mangunguna sa "malaking lindol " at "delubyo" na naglalayong wasakin sa may mahigit na 300 taong paghahari sa Espanya sa Pilipinas ?
ANG MAG-ANAK NA BONIFACIO
May pitong buwan bago ang malakas na lindol, nang ika-24 ng Enero 1863, sa simbahan ng Tondo, ipinag-isang dibdib ng presbiterong si P.Saturnino Buntan sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro . Ang naging saksi sa kasal ay sina Don Severino Ampil at Donya Patricia Trinidad.
Si Santiago Bonifacio ay isang 'indio' na tubong Taguig, lalawigan ng Morong ,anak nina Vicente Bonifacio at Alejandra Rosales. Si Catalina de Castro ay isang mestisang tubong Zambales na anak ng Kastilang si Martin de Castro at Antonia Gregorio. Ang ikinasal ay kapwa naninirahan sa Tondo. ( Ocampo, 2001 : 91)
Patungkol sa kanilang mga saksi ,ang mag-asawa ay mga negosyante na nagpapaupa ng mga karitela. ( Ronquillo: ,talababa 2,724)
Ang kanilang unang supling na ipinanganak noong ika -30 ng Nobyembre 1863 ay pinangalanan nila siyang Andres, dahil ang patrong santong katoliko nang araw na yaon ay si San Andres, apostol. Ang tatlong araw na kapapanganak palamang na sanggol ay dinala nila sa simbahan upang tanggapin ang sakramentong bautismo sa kamay ni P. Saturnino Buntan , na siya ring nagkasal sa mag-asawa. Tumayong ninong sa kanyang binyag si Vicente Molina.(Artigas y Cuerva, 1918 :364) Si Molina ay may mahalagang papel na gagampanan sa Katipunan at sa Himagsikan ng 1896.
Ang kanilang panganay na anak na si Andres ang mangungulo sa isang kilusang tila malakas na lindol na yayanig sa pundasyon ng may tatlong daang taong paghahari ng Espanya sa Pilipinas .
"Ang mga anak ay biyayang galing sa Diyos ", ayon sa paniniwalang Pilipino. Pagkatapos ipanganak si Andres, ang nag-asawa ay nakaroon pa ng limang supling , sina Ciriaco , Procopio,Espiridiona ,Troadio at Maxima. (Santos,1935:1)
Iba-iba ang palagay ng mga mananalaysay ukol sa hanap buhay ng "padre de familia" na si Santiago, ayon kay Medina (1998 ) siya ay isang bangkero . Ayon naman kay de Ocampo,(1966) siya ay isang sastre at naglingkod sa pamahalaang kolonyal bilang isa sa mga "teniente mayor"(ngayon ay katumbas ng 'vice mayor') ng Tondo. Nang panahong iyon ay may tatlong " teniente mayor" ang bawat bayan na katulong ng "gobernadorcillo" (ngayon ay katumbas ng "town mayor"). Ang mga kabilang sa uring "principales" o mga kaapu-apuhan ng mga sinaunang datu (Villaroel, 1999:xxi) o mga pangunahing mamamayan ay kuwalipikadong bomoto at ihalal sa lokal na eleksyon. Matangi dito, dapat din ang mga kandidato ay magtaglay ng katangian o kuwalipikasyon katulad ng "gobernadorcillo".
Lumalabas na hindi walang pinag-aralan at dukha si Santiago Bonifacio .Siya ay kabilang pa sa "principales" o mga pangunahing mga mamamayan ng Tondo.(Ventura 2001:16) .Ito kaya ang nagpapasubali sa puna ni Leon Ma. Guerrero ( 1991 :397) ukol kay Bonifacio na "he was far from being a scion of the '' principalia or a ' child of a good family' "?
Ang ina ay karaniwang namamalagi sa tahanan ,nag-aalaga sa mga anak at nagsisilbing unang guro nila . Ngunit siya ay maaring tumutulong sa paghahanap-buhay. Narahil dahil siya ay isang mestisang Kastila, si Catalina ay pinagkatiwalaan at naging "cabecilla" o superbisora sa pagawaan ng tabako. Ang gobyerno ang may monopolya sa pagtatanim at paglalako ng tabako mula 1781. Nagbunga ito ng pagmamalabis ng mga namamalakad.Ang mga magsasaka na binibigyan ng quota ,paghindi nila ito narating ay nakararamas sila ng pagpapahirap.Dahil dito ay napilitang ipinag-una nilanang pagtatamim ng tabako Nang ito ay binuwag noong 1888 , may limang pagawaan ng tabako at sigarilyo na pag-aari ng gobyerno na matatagpuan sa Malabon, Arroceros, Meisig (Meisik---D) , El Fortin at Cavite. Dahil sa Meisik, ang malapit sa kanilang tirahan, dito kaya nagtrabaho ang ina ni Bonifacio ? (patungkol sa Monopolya ng Tabako, sangguniiin ang Foreman , 293-295 ; sa larawan ng ' cigarerras' , tignan sa Muijzenberg
2008:82 ,ang aklat ding ito ay naglalarawan ng kalagayan ng industriya ng tabako ng ika-19 na siglo sa ilalim ng mga dayuhan, sa pp. 16,20,22 ,34,65, 71-74 , 86 ,89,90,91at 95 )
PINAG-ARALAN
Hindi magkasundo ang mga mananaliksik ukol sa pinag-aralan ni Bonifacio . Inilarawan ni W.Retana (1907:249) ,si Bonifacio ay "sin instruccion" o "walang edukasyon" ; kay John. R. M.Taylor(1906/1971 : Vol. I,62) , "a man of little education"(" taong may kakaunting edukasyon") ; kay Teodoro Agoncillo (1955:) "almost illiterate"("halos hindi marunong bumasa at sumulat") ; at kay Glenn May (1997 : 24) ,"limited education" (limitadong edukasyon).
Kilala ang mga magulang na Pilipino sa kanilang pagpapapahalaga sa edukasyon ng kanilang mga anak. Noon at sa kasalukuyang panahon ,ginagawa ng mga magulang ang abot ng kanilang makakayang maitaguyod ang mga anak na nakakuha ng mataas na pinag-aralan.Pinapangarap nilang makatapos ng kolegiyo o unibersidad ang mga anak ,dahil -sa paniniwalang ito ang magiging daan sa isang mabuti at masaganang hinaharap.
Pinagsikapan ng mag-asawang Santiago at Catalina na mapag-aral ang kanilang panganay na anak na si Andres .Ipinatala siya sa paaralang primarya ni Guillermo Osmena ,na taga Cebu ,na nasa Meisik, Maynila (artigas y Cuerva ,1918 : Vol.II, ) .Ayon sa kanyang kapatid na si Esperidiona ,nag-aral si Bonifacio sa paaralan ng isang nagngangalang Serrano (Pedro Serrano-Laktaw ?).Ayon naman sa mananaliksik na si Jose Lopez del Castillo y Kabangis ,si Andres ay nag-aral sa paaralan ni Epifanio del Castillo ,na nasa Daang Ilaya na kilala sa pangalang "Escuela Primaria de Ninos de Tondo". Pinagbatayan ni del Castillo ang sinumpaang salaysay ni G.Urbano Cruz, madalas na tagurian ng mga Katipunero si Bonifacio na 'Bata ni Maestro Panyo'. (Serrano: 1960:91-92)
Noong Disyembre 10,1863, sampung araw pagkatapos ipanganak si Bonifacio, ay ipinalabas ang Dekreto ng Hari na nag-aatas na nagkaroon ng malawakang reporma sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Ang mga paaralan ay napasailalim ng estado at ang edukasyong primarya ay ginawang sapilitan sa edad na pito hanggang labingdalawa. Ang mga magulang ay dapat ipatala ang kanilang mga anak sa pampublikong paaralan ,maliban na ukol mapapatunayan na sila ay maayos na nakatatanggap ng pagtuturo sa kanilang tahanan o sa isang pribadong paaralan, Ang mga hindi susunod sa dekreto ay papatawan ng multa. Ang mga aralin na itinuturo ay ang mga sumusunod: Aral Kristiano , Pagbabasa, Pagsusulat , Wikang Espanyol , Aritmetika , Geographiya, Agrikultura ,Kagandahang Asal at Musika. Magkatulad ang mga aralin para sa kabataang kababaihan, maliban sa Agrikultura at Geographiya, na pinalitan ng Pagtatahi at Pagbuborda (Embroidery) .Inaaatas ng dekreto na ang libreng edukasyong primarya kasama ng kagamitang pang-paaralan (school supplies). (Molina ,1960 : Vol.I ,299, para sa Educational Decree of 1863 sangguniin ang Zafra 1967 ; 144-147). Sa paglalarawang iyo ng sistema ng edukasyong primarya ng kapanahunaan ni Bonifacio, ay natanto natin ang lawak ng kaalamang natutuhan ni Bonifacio at ito ay mararagdagan ng kanyang gagawing malawak na pagbabasa.
Inilahad ni Dr.Valenzuela na umabot si Bonifacio sa ikatlong baitang ng 'segunda ensenaza' sa isang mataas na paaralang pribado ,na kung tawagin ay 'Latinidad",na noong panahon yaon ay may tatlong gayong paaralan sa Tondo . Sa mga paaralang oto, natuto si Andres na bumasa at sumulat ng Espanyol. ( Serrano 1960 : 92)
Hindi totoong ang palagay ni Retana na si Bonifacio ay "walang pinag-aralan" at ang ni Agoncillo na siya (Bonifacio) ay "halos hindi marunong bumasa at sumulat". Hindi sobrang mahirap o dukha ang magulang niya, dahil naipatala siya sa pribadong sekondaryang paaralan.
ANG TONDO NI BONIFACIO
Taong 1866, may tatlong taong gulang pa lang si Andres Bonifacio , isang Pranses na nagngangalang Duc D' Alencon ang bumisita sa Pilipinas. Siya , bilang isang kaanib sa uring maharlika ng Europa, ay binigyan ng rankong kapitan ng artilerya sa hukbong Espanyol. Sumulat siya ng aklat ng kanyang paglakbayan sa Luzon at Mindanao. Sa isang bahagi nito matatagpuan ang paglalarawan ng mga dakong ginalawan ng batang Andres Bonifacio:
" Ang pangunahing estero, ang Rio de Binondo ay napapaligiran ng maraming tahanan; ito ay umaagos sa mga sapa o 'esteros' ng Sibacong, Tutuban ,at ang iba nitong sangay ay nagtutungo sa mga karatig dako ng Trozo at Meisic na tinutuluyan ng mga 'indio' , na matatagpuan katabi ng Bonondo. Ang mga dakong ito ay may malaking lupang nasasakupan na napupuno ng maliliit na tahanang gawa sa marteryales na kawayan at nipa. Hindi gaanong malaking halaga o matagal na panahon ang kinakailangang gugulin upang itayo ang mga ito : sa pamamagitan ng itak , na bihasang ginagagamit, ang 'indio' , siya ay makakagawa ng mga materyales na yari ng kawayang kinakailangan sa pagtatayo ng bahay ; sa mga katihan (swamps),siya ay pumuputol ng mga dahon ng nipa na makakatulad sa niyog ,upang magsilbing bubungan. Walang pakong kinakailangan sa konstruksyon ; lahat ay pinagduruktong sa pamamagitan ng taling gawa sa rattan o balat ng kawayan. Ang hagdanang yari sa kawayan ay patungong pintuan ; ito ay dahil sa ang bahay ay halos itinataas sa lupa sa pamamagitan ng solidong (kahoy) na haligi.
Ilang silya , isang baul na kinalalagyan ng mga mahahalaga at iniingatang mga bagay ng may-ari, isang banig na tulugan ,at ilang imahen ng mga santo, ang bumubuo ng kakaunting muebles na matatagpuan sa loob ng tahanang gawa sa mahihinang materyales . Sa gayong tahanan, mag-ingat pagdating ng mga bagyo ! Ang malakas na hangin nito ang gumigiba ng mga bahay ,at ang pagtaas ng tubig ng estero ay tumatangay ng mga nilalalaman nito sa Ilog Pasig. Higit sa lahat mag-ingat sa sunog na biglang susulpot sa gitna ng mga dikitdikit na bahay ng mga 'indio'. Sumisiklad itong tulad ng mga sulo,at ang mga alipato nito ay nagsasabog ng kalamidad sa iba't ibang direksyon. Dahil imposibleng mapigil ang pagkalat ng apoy, kapag nakita ng 'indio' na nalapit na ang sunog sa kanyang bahay, kaagad niyang itinatakbo ang mga kagamitang kaya niyang iligtas ; kung ito ay mabigat , itinatapon niya ito sa 'estero'upang kanyang hanapin sa susunod na araw , at siya ay kalmadong magbubulay-bulay ukol sa pagkawasak ng kanyang tahanan. Sa isang magandang gabi ng Hunyo ,namalas ko ang may isang libong mumunting tahanan ang natupok ;sadakong may mahigit na isang kilometro kuwadrado ;wala ni isang bahay ang naligtas...Sa gitna ng kahabaghabag na tanawin , walang kaguluhanang naganap ,walang iyak ng kawalan ng pag-asa ang narinig : kundi bawat mag-anak ay mapayapang inililikas ang mga bagay na kanilang nais iligtas, at nagkakampo sa dakong malayo sa sunog." ( Duc d'Alecon , 1870/1986 : 4-5 ; )
KUYA ANDRES
Naging ulilang lubos ang magkakapatid ,noong si Andres ay may labing-apat na taon. Dahil dito, hindi siya nakatapos ng mataas na paaralan o nakatungtong man ng unibersidad. Bilang panganay sa mag-kakapatid si Andres ay tumayo bilang "ama ng tahanan" pagkamatay ng kanilang mga magulang. Umisip sila ng paraan ng ikabubuhay. Nagtatag sila ng negosyo na nakatumbas ng isang "cottage industry" sa kasalukuyan: pag-gawa ng baston at papel na abaniko. Ayon kay Atty. Garry Bonifacio , apo ng "Supremo" Andres ,ang baston ay yari sa kahoy na kamagong at may pilak na dekorasyon sa hawakan na nabibili sa mataas na halaga. (ABS- CBN Documentary,"Andres Bonifacio : Case Unclosed).Ayon kay Esperidiona, nabibili sa pagitan ng halagang limanpu hanggang isang daang piso ang mga baston(Serrano 1960:94). Dahil siya ay may magandang sulat kamay, gumagawa din siya ng mga karatula ng mga negosyante.Pagkatapos niyang magtrabaho sa dayuhang bahay kalakal ay tinutulungan niya ang kanyang mga kapatid na magtinda ng abaniko at baston. Umunlad ang kanilang maliit na negosyo,at dahil sa marami ang nakagusto ng kanilang abaniko at baston, "pinayagan niya na ang ilang kababatang kapitbahay ang tumulong sa kanila at kumita ng salapi ." (Serrano 1960:94)
Hindi niya pinabayaan ang pagsubaybay sa kanyang mga kapatid. may pagka-istriktong kuya si Bonifacio . Sinusubaybayan noya ang mga pa-aarala ng mga kapatid , pinupuna niya at iniwawasto ang kanilang pag-uugali ,lalong lalo na sa kanyang mga kapayid na kababaihan.
EMPLEYADO NG MGA DAYUHANG KORPORASYON
Noong una, ay isinarado ng Espanya ang Pilipinas sa kalakalang pandaidigan. Ang tanging negosyo na pinagkakaabalahan ng mga Kastila ay ang tinatawag na Kalakalang Galleon (Galleon Trade) sa pagitan ng Tsina- Maynila at Acapulco, Mexico na umiral hanggang 1815 ,nang ang huling galyon ay dumaong pabalik ng Maynila. Ang Maynila ang nagsilbi lamang na sentro ng distribusyon ng komersiyong ito . Ang galleon na nagdadala ng mga opisyal na sulat mula sa Espanya, mga misyonero , mga kawani ng gobyerno at higit sa lahat , pilak na salapi na para sa adminstrasyon ng kolonya at pantustos sa kalakalang galyon. Sa pagbabalik ng biyahe nitong patungong Mexico ay dala nito ang mga produktong Tsino at Asyano.
Hindi nakinabang ang mga mamamayang Pilipino sa kalakalang ito,dahil sa ang mga makapangyarihan ,maimpluwensiya at piling mga Kastila lamang ang maaaring makilahok . Napabayan ang agrikultura ,walang mga produktong pang"export" na produkto ang nalikha upang maging basehan ng isang mayaman at umuunlad na ekonomya at pinabayaang nakatiwangwang ang mga likas na yaman (natural resources) ng Pilipinas.(Tignan sa Craig & Benitez,1916:71-81,ukol sa Galleon Trade)
Noong 1834, ang daungan ng Maynila ay binuksan sa pandaidigang kalakalan ,sinundan ito ng pag bubukas ng daungan ng Sual,Pangasinan,Iloilo at Zamboanga (1855) at Cebu (1860).Dahil dito , nagsimulang nagtayo ng mga bahay kalakal ang mga Amerikano ,Ingles, Pranses, Aleman at Swiso na umaangkat (export) ng produktong Pilipino na abaka, asukal, tabako , kape, indigo at maging iba pang produktong Asyano. Nag'import"din sila ng mga produktong Europeo para sa pagkunsumo ng mga naninirahang Kastila at iba pang dayuhan , at nag mayayamang mestiso at Pilipino na umunlad sa pakikilahok sa komersyo. (Boncan,1998: 1-30)
Si Bonifacio, ay naging empleyado ng mga dayuhang bahay kalakalan . Bago siya naging dalawpung taong gulang ,siya ay maging klerk-mensahero ng Fleming and Company na gap-aari ng mga Ingles at di nagtagal ay siya ay naging tagapaglako o agente ng rattan, sahing at iba pang mga produkto. Lumipat siya sa Fressell and Company na pag-aari ng Aleman , at naglingkod bilang isang bodeguero hanggang pumutok ang himagsikan ng 1896. (de los Santos ,1918/1973 :85-86 ; Santos.1935:2 ; Ocampo 1997:96-97 )
Ang 'patrona ' ng kompanyang ito na si Donya Elvira Preysler, ay nakapuna na si Bonifacio ay mahilig sa pagbabasa . Isang bukas na aklat ang kaharap niya habang nananaghalian. Paminsan-minsan ay tinatanong siya ni Bonifacio kung ano ang kahulugan ng ilang mga salita. Napansin niyang maingat na tinatandaan nito kung paano siya (Donya Elvira) , na isang ipinanganak na kastila , ay magsalita. Minsan ay tinanong niya ang donya kung bakit binigkas niyang "virtu" ang salitang kung susulatin ay "virtud"; kanyang isinanagot na kung ang mga ipinanganak na kastila ay nagsasalita, inaalis nila ang nasa dulong "d". Kaya mas matalinong gamiting salita ang "uste" kaysa "usted"(panghalip na tagalog ng "ka"--D). (Joaquin , 2006 : 94 )
Ayon kay Ambeth Ocampo (1997:97-98) , ang pagtratrabaho ni Bonifaco sa mga dayuhang komersyante ay tanda na siya ay may kakayahang bumasa at sumulat sa wikang Espanyol . Tatanggapin kaya siya ng katumbas ngayon ng korporasyong multi-nasyonal , kung siya at isang ignorante o walang pina-aralan ?
PANGSARILING PAG-AARAL
Kahit pagal sa maghapong paggawa, hindi malimutan ni Bonifacio na pagyamanin ang kanyang kaisipan. Ang limitadong edukasyon na kanyang natamo ay kanyang dinugtungan ng pansariling pag-aaral. Mula sa kanyang maliit na sueldo na 12 piso bawat buwan ay pinagsikapan niyang bumili ng mga aklat . Hindi matatagpuan ang mga ito sa mga libreria(bookstore) na naglalako lamang ng mga aklat religioso , missal at ng lumang mga aklat na dumaan sa mahigpit na sensor.(Bellessort 1897 /1999:26 ).Karamihan sa kanyang mga binasa ay isinulat ng mga progresibong banyagang manunulat at nabibilang sa mga aklat na ipinagbabawal ng Simbahan . Mabibili lamang ang mga ito sa mga "contrabandista"("smugglers") ng mataas na halaga.Mapanganib ang pag-aari ng pinagbabawal na babasahin, ito ay pinapatawan ng parusang pagkabilanggo o pagkatapon. Kabilang sa mga binasa ni Bonifacio ang mga sumusunod na aklat na pawang nasa wikang Kastila :
"Vida de los Presidentes de los Estados Unidos" (Buhay ng mga Pangulo ng Estados Unidos)
"Historia de la Revolucion Francesa"
Noli me Tangere" at "El Filibusterismo " ni Dr.Jose Rizal
"Derecho Internacional" ( " Batas Pandaidig")
"Codigo Civil"
"Codigo Penal"
"Ruinas de Palmira" (Mga Guho ng Palmira) ni Volney
"La Religion al Alcance de Todos" (Ang Relihiyong na Maaabot ng Kaalaman ng Lahat")
"Biblia"
"Los Mesirables"
"Judio Errante" ( "Ang Lagalag na Hudyo ") ni Eugene Sue
at iba pang mga aklat at nobela ng mga kilalang manunulat sa Europa. ( Talaang ibinigay ni Dr.Pio Valenzuela nasa E. de los Santos:1917:87 ; Santos,1935:2-3 )
Sa testimonya ni Dr.Pio Valenzuela sa harap ng Korte Militar , inilahad niya na Bonifacio "ay maraming nabasa at ang kanyang aklat ay nasamang nasunog ng kanyang tahanan.May kaugalian siyang magpalipas ng gabi sa pagbabasa. Dahil dito siya ay "nagkaroon ng pangarap maging pangulo at palaging bumabanggit sa usapan ang ukol sa Rebolusyong Pranses.(Minutes, 1997;175)
Kapansin-pansin na may mga aklat na kapwa nasa aklatan ni Rizal at Bonifacio: ang mga akda ni Victor Hugo, Alexander Dumas ," Historia de los Presidentes de los Estados Unidos", "Judio Errante" at "Biblia"(Retana 1907 : 63,74, 81 ).
Ang Katipunan ay may sariling aklatan at arkibo . Ang aklatan ay binubuo ng mga aklat pambatas ni Emilio Jacinto ,mga aklat medisina ni Dr.Pio Valenzuela at ang iba ay pag-aari ni Bonifacio ( de los Santos.1917:91) .Ang arkibo o koleksyon ng mga dokumento ng Katipunan ay bumubuo ng mga sulat nina Rizal, Marcelo H. del Pilar at Antonio Luna, sipi ng tula ni Rizal na "Kundiman' at mga dokumentong Mason at Katipunan. Ang arkibo ay natuklasan ng mga awtoridad ng kanilang hinalughog ang bodega ng Fressell and Company .(Retana, 1907: 355-358)
"All books are either dreams or swords", pahayag ng makatang si Amy Lowell ( 1874-1925) . Para kay Andres Bonifacio , ang mga aklat ay kapwa mga pangarap at sandata .
ANG PRIBADONG BUHAY NI BONIFACIO
"O pagsintang labis ng kapangyarihan/.... Pag ikaw ang nasok sa puso nimuman,/hahamaking lahat masunod ka lamang".
Francisco Balagtas ,"Florante at Laura".
( Mga pagsusuri at Anotasyon ni Virgilio Almario,2003:80 )
Ang aklat ni Jose P. Santos ang unang nagsalaysay ng ukol sa pribadong buhay at pag-ibig ni Bonifacio. Ang unang niligawan at kinasama ni Bonifacio na parang tunay na asawa ay nakilala lamang sa pangalang Monica na taga Palomar,Tondo, na namatay sa sakit na ketong , na noon ay talamak na sakit sa Pilipinas. Nagkaroon sila ng tatlong anak at hindi nalaman kung ano ang kinahitnan nila. Ang pangalawa niyang kinasama at pinakasalan ay si Dorotea Tayson .Nang namatay si Dorotea, siya ay nagpakasal uli kay Gregoria de Jesus. (Santos ,1935:3 ) Ngunit ,pinasubalian ni Guillermo Masangkay, na kapitbahay ni Bonifacio, ang tungkol sa relasyong Bonifacio at Tayson, ayon sa kanya ang unang pinakasalan (hindi kinasama bilang asawa ) ni Bonifacio ay si Monica at ang ikalawang pinakasalan nito ay si Gregoria de Jesus. (Agoncillo 1996:330)
Sa panayam ni Santos sa mananaliksik na si Dr.Jose P.Bantug , naging kasintahan ni Bonifacio ang isang dalagang may 21 taong gulang na nagngangalang Genoveva Baloloy ,nang siya ay naglalakbay bilang ahente sa Libog, Albay noong 1894 0 1895 kasama sang manunulat na si John Foreman .Nagkaroon sila ni Genoveva ng isang anak na nagngangalang Francisca.Nang ipalimbag ni Santos ang kanyang aklat noong 1935 ,buhay pa raw ang mag-ina .Si Francisca ay nanirahan sa Irosin, Sorsogon , makalawang mag-asawa at muling nagpakasal kay Roman Balmes.(Santos.1935 :5). Ngunit ayon kina Dr.Pio Valenzuela, Marina Dizon at Guillermo Masangkay na mga malapit kay Bonifacio,hindi ito umalis ng Maynila sa mga taong 1894-1895 , kaya hindi totoo ang ukol sa namagitan kina Bonifacio at Baloloy.(Agoncillo 1996 ed.:329-330)
ANG REPORMISTA
Kilala si Bonifacio bilang isang rebolusyonaryo , dahil dito ay hindi napagtuunan ng pansin ang bahagi ng kanyang buhay bilang repormista o tagapagtaguyod ng kilusang propaganda na pinangungunahan ng mga ilustradong kababayan na nasa Europa. Ang Kilusang Propaganda ay nagsimula noong taong 1880, nang si Bonifacio ay may 17 taong gulang pa lang. Ang mga pangunahing lider ng kilusang ito ay sina Marcelo H. del Pilar , isang abogado at manunulat; Jose P. Rizal, isang doktor na may kaalaman sa iba't ibang larangan at si Graciano Lopez-Jaena, na isang mag-aaral ng Medisina at isang magaling na orador. Magtayo sila ng mga samahang may layuning pagbuklurin ang mga Pilipinong propesyonal at mag-aaral sa Europa upang hingin sa Inang Espanya na pairalin sa kolonyang Pilipinas ang mga demoktratikong pamamalakad , magkaroon ng pagkapantay-pantay sa pagitan ng mga Kastila at Pilipino, . Nagpalimbag at nagkalat din sila ng mga polyeto at pahayagang "La Solidaridad" na naglalaman ng mga hinaing ng mga Pilipino, maglalahad ng paniniil at pag-aabuso ng pamahalaang kolonyal at ng simabahan sa katauhan ng mga prayle ,at gawin ang Pilipinas bilang probinsiya ng Espanya at nang ang mga Pilipino ay maging mamamayan (citizen) ng Espanya . Kung gayon hindi sila "seperatista" ,kailan man ay hindi hiningi ng mga ilustrado ang pagsasarili (independensiya) ng Pilipinas; sila ay mga "assimilista " na maglalayong na lalong pagkakabuklod ng Pilipinas at Espanya . (Schumacher,
1997 )
Si Bonifacio at ang Masonarya
Kung kailan ,paano at sino ang magpakilala kay Bonifacio sa Kilusang Propaganda ay hindi tuwirang matutukoy. Maaari nang siya ay maging kasapi sa Masonarya ay doon siya nagpasimulang kalahok sa Kilusang Propaganda. Maaaring si Deodato Arellano, ang bayaw ni Marcelo H. del Pilar,na isang Mason na kakila at kaibigan ni Bonifacio ang humikayat sa kanya na maging kaanib nito.May mga Pilipinong Mason na tagapagtaguyod ng kilusang ito sa pamamagitan ng kanilang perang ambag sa samahan. Ginamit din ng mga makabayang Pilipinong Mason ang lohiyang pinagpupulungan bilang dako ng malayang talakayan ukol sa suliraning panlipunan . Sa ilang mga tala ng mga talumpati sa lohiya ay may mga bahaging politikal at magbibigay pauri sa mga prinsipyong demokratiko. (Kalaw,1956:23-39).Si Andres Bonifacio ,ay tinanggap bilang Mason sa lohiya "Taliba" na itinatag ni Jose Dizon sa Trozo, Maynila. ( Minutes ,, 1978:183 :Kalaw 1956:53)
Gaya sa mabanggit sa mga maunang bahagi ,si Bonifacio kahit na empleyado sa bahay kalakalan ng mga dahuyan ay patuloy sa paglalako ng mga baston at abaniko sa kanyang mga bakanteng oras. Kasabay ng kanyang paglalako ay ang lihim na pamamahagi ng mga polyetong sinulat ng mga repormista na nakatago sa kanyang sombrero ,kasuotan at mgaging sa kanyang mga itinitinda. Hindi napansin ng mga guardia sibil na nasa pintuan ng Unibersidad ng Santo Tomas ang isang hamak na tindero na maglalako rin ng mga ipinagbabawal na babasahin. Isa sa mga masugid niyang mamimili ang seminaristang si Ladislao Diwa ,na nagrereklamong mabilis mabenta ang mga ito at hindi siya nakakukuha ng mga bagong isyu ng mga polyeto. Hindi nagtagal ay naging magkaibigan sila at si Diwa ay nanirahang kasama ni Bonifacio upang makilala niya at maging kaibigan ang mga kalahok sa propaganda. ( Ventura,2001:27)
Si Bonifacio at ang "La Liga Filipina" ni Rizal
Si Bonifacio at isa sa mga unang kaanib ng "La Liga Filipina" na itinatag ni Jose Rizal nang siya ay nagbalik sa Pilipinas noong 1892. Sa unang pagpupulong ng samahang ito naginanap noong ika- 26 ng Hunyo sa tahanan ni Doroteo Ongjungco nangagtipon ang ang mga sumusunod : Agustin de la Rosa (tenedor de libros),Ambrosio Salvador (Presidente ng Tribunal ng Quiapo ),Numeriano Adriano (notario ),Bonifacio Arevalo (dentista ), Arcadio del Rosario , ( ),Luis Villareal (sastre),faustino Villaruel (negosyante),Estanislao legaspi (negosyante),Gregorio Santillan (negosyante), Mariano Crisostomo (propietario) ,Deodato Arellano (empleado ng oficinas militares), Jenaro Heredia(propietario),Jose Ramos (may-ari ng imprenta at ng malaking tindahang 'Gran Britania'),Ambrosio Flores (retiradong teniente ng infantria), Pablo Rianzares (abogado),Juan Zulueta (empleyado),Teodoro Plata ( curial ),Moises Salvador (maestro de obras), Francisco Nakpil(platero) at si Andres Bonifacio ( bodegero ng pagawaan ng ladrillo,isang plebeyo). (Retana 1907:246-248)
Puna ni Pascual Poblete: " Sa lahat ng mga nagsidalo sa pulong na iyo'y si G.Andres Bonifacio ang karukharukhaan: ang mga kasamahan niya'y mga nakakaya sa buhay;halos ang lahat ay may sariling pag-aari at marami ang mga marurunong ;dadapuwa't si Bonifacio'y isang abang 'bodegero' ng bahay-kalakal ni ginoong Fressell at mga kasamahang pawang di tagarito, at babahagya ang tinatanggap buwan-buwan..."(Poblete :73)
Ang samahan ay nabuwag pagkalipas ng ilang araw dahil sa pag-aresto at pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan. (Mabini ,1969: 41)
Si Bonifacio at ang Muling Binuhay na "La Liga Filipina"
Sa salaysay ni Apolinario Mabini,matatagpuan ang ukol sa papel na ginampanan ni Bonifacio sa muling binuhay na "La Liga Filipina": Ang La Liga Filipina "ay muling itinatag sa pagkukusa nina Don Domingo Franco, Andres Bonifacio at iba pa,at ako (Mabini---D) ay binigyan ng katungkulan bilang Kalihim ng Kataastaasang Kapulungan. Aming itinalaga ang mga layunin ng samahan sa isang maikling programa na naglalaman ng sumusunod o katumbas na wika:tumulong sa pagsuporta sa "La Solidadridad' at ang mga repormang itinataguyod niyaon; naglikom ng pondo upang makatulong sa gugulin hindi lamang ng pahayagan kundi maging sa mga pampublikong pagpupulong na ini-oorganisa sa pagsuporta sa mga reporma at sa mga (Kastilang) mambabatas na sumudoporta sa mga ito; sa maikling salita,ang paggamit ng mapayapa at legal na pamamaraan,sa gayon ay maging isang patidong politikal ang samahan."(Mabini,1969:40)
Sa pangunguna ni Bonifacio,bilang masugid na tagapagtaguyod ng ikalawang"Liga" ,umunlad ang samahan:"Dapapwa't ito ay may mabuting pasimula,: ang karamihan ng mga kaanib sa kataastaasang Kapulungan na kilala sa kanilang kaalaman, pagmamahal sa bayan at sa kanilang antas sa lipuna:salamat sa mga pagpupunyagi ni Andres Bonfacio at iba pa,ang mga konsho popular ay kaagad naitatag sa Tondo at Trozo, at ang iba may naitatag sa santa Cruz,Ermita, Malate, Sampaloc,Pandacan at iba pang dako.Ang maliit na kontribusyon ng mga kaanib na ukol sa mga pagtustos sa La Soliradridad ay maagang mnagagampanan." (ibid.)
Ngunit dumating ang panahong"sila ay tumigil sa pagbibigay ng kontibusyon sa kadahilang hindi na sila sang-ayon sa mga layunin ng samahan dahil ang pamahalaang kastila ay hindi pinupuna ang diyaryo at gayon din ang legal na aktibidad ng samahan." (ibid.)
Nabigla ang mga maginoo at mga opisyales ng Liga nang kanilang nalaman na si "Andres Bonifacio, na may maraming naakit na kaanib dahil sa kanyang walang kapagurang pagrerekrut ,ay may matibay na paniniwala ng kawalang saysay ng mapayapang kaparaanan."at kung magkakaroon ng halalan ay magkakaroon ng pagbabago sa uri ng liderato at ng konstitusyon at mga programa ng Liga. Dito nabatid ng pamunuan ng La Liga na pawang kabilang sa gitnang uri (middle class) na sa kaunaunahang pagkakataon na ang masa, na pananaw ng mga Kastila na tila mga hayop at walang pakialam sa mundo, ang mga magunguna kung pinaguusapan ay aspirasyong politikal." Dahil sa ang mga kapanalig ni Bonifacio at ang mga repormista ay di magkasundo,ang konseho ay nagdesisyong buwagin ang Ikalawang Liga upang hindi sila madiskubre at madamay sa subersibong "Katipunan" ni Andres Bonifacio. (ibid.)
Ang Pagkakatatag ng "Katipunan"
Ang Pag-ibig ni Andres Bonifacio at Gregoria de Jesus
Nang nabiyudo si Andres, siya ay isa sa mga binatang pumapanhik ng ligaw kay Gregoria de Jesus, isang dalagang taga Caloocan na may labingwalong taong gulang .Ang kanyang ama ay si Nicolas de Jesus,na isang Maestro de Obras at Kantero karpintero at naghawak ng mga tungkulin sa pamahalaang Kastila bilang teniente sugundo ,tenyente mayor at gobernadorcillo . Ang kanyang ina ay si Baltazara Alvarez Francisco,taga Noveleta, Cavite, pamagkin ni Heneral Mariano Alvarez ng Sanguniang Magdiwang , na unang gumalaw ng himagsikan sa Cavite. Siya ay nag-aral sa paaralang bayan at umabot sa baytang na katumbas ng unang taon ng Intermedia.dahil sa kanyang taglay na katalinuhan na ipinamalas sa isang pagsusulit , siya ay ginatimpalaan ng gobernador heneral at ng paring kura ng medalyang pilak na may lasong asul. Siya at isa pang kapatid ay tumigul sa pag-aaral ,upang makapagpatuloy ang kanyang kapatid na lalake sa kanilang pag-aaral sa Maynila.Tumulong sila sa kanilang ikabubuhay .Sa kanilang lupain na may mga kasama, sila ay nangangasiwa sa pagtatanim,pag-aani,pakikipag-unawaan sa kanilang mga kasama at mga trabahador at pagpapasahod sa kanila. Tumutulong din siya sa kanyang ina sa mga gawaing bahay. Marunong din siyang magtahi at humabi. Masasabing ang pamilya de Jesus ay kabilang sa "principalia" o pangunahing pamilya ng Caloocan.
Kaugalian noon na dapat ay una munang ipaalam ng manliligaw ang kanyang saloobin sa mga magulang ng dalaga sa pamamagitan ng isang "tulay". Ang naging "tulay" ni Andres ay ang kanyang kaibigang si Teodoro Plata, pinsan ni Gregoria o Oryang. May tatlong buwang bumibisita sa kanilang tahanan si Andres kasama ang kanyang kaibigang si Ladislao Diwa at ang kanyang pinsang si Teodoro . Lingid sa kanyang kaalaman ay nanunuyo na pala ito sa kanyang mga magulang. may tatlong buwan pa ang nakaraan ay nalaman ni Oryang na hindi pala sangayon ang kanyang ama dahil natuklasan niyang si Andres ay isang Mason ,na ipinalalagay ng mga matatanda at mga prayle noon na mga kalaban ng pamahalaan at simbahan,sa makaatuwid mga "masasamang tao". ( de Jesus ,1928 , natatagpuan sa Alzona ,19 )
Ngunit sa loob ng anim na buwan ay nagkaibigan sila ng tuluyan. Ipinagtapat nila ito sa kanyang mga magulang.dahil sa kanilang pagtutol sa magkasintahan, ay ikinulong siya ng kanyang mga magulang sa isang bahay sa may Blg. 28 ng Daang Madrid sa Binondo , Maynila. Sa kanyang liham sa gobernadorcillo ng Bonondo na may petsang Oktubre 1893,humingi siya ng tulong upang malaya at tawagin ang kanyang nobyo na si Andres Bonifacio upang gawin ang nararapat na hakbang upang sila ay makasal. Dahil dito ,noong Disyembre 6 tinawag ng gobernadorcillo si Cornelio Gomez,na nagmamay-ari ng bahay,upang iharap sa kanyang tanggapan si Oryang.
Nang halughugin ang tahanan noong Disyembre 7, wala doon si Oryang. Disyembre 9,nagpalabas ng kautusan ang gobernadorcillo na hanapin si Oryang , iharap siya sa gobernadorcillo at itira sa isang bahay ng isang mapapagkatiwalaan.Natagpuan ng mga awtoridad si Oyang na may sakit sa kanyang tahanan sa Caloocan,dahil dito sumulat siya sa gobernadorcillo na hindi siya makapupunta sa Binondo at sinabing maaring ilayo siya ng kanyang mga magulang at sanay ay patuloy na dingin ng mga awtoridad ang kanyang paghingi ng tulong .(Ocampo,86-88)
Ayon sa kanyang "Talambuhay" ,sila ay ikinasal sa Simbahan ng Binindo noong Marso 1892,ngunit ayon kay Ambeth Ocampo( 2001:89),hindi ito naaaring mayari dahil sa mga dokumentong nabanggit sa itaas at maaaring sila ay ikinasal noong taong 1894. Isa pang hiwaga ay walang tala na natagpuan si Ocampo na ikinasal si Bonifacio at de Jesus nang taong yaon.
Sa aking palagay, ay walang naganap na kasal sa simbahan dahil sa pagtutol ng mga magulang ni Oryang at sila ay ikinasal sa seremonya ng Katipunan ,na gaya ng ipinahayag niya sa kanyang "Talambuhay".
TALASALITAAN
gobernadorcillo-
principalia-
teniente mayor-
teniente segundo-